“Naipamalas ang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pag-ibig!”
“At pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7, bi12) Ito ang pasimula ng napakahabang linya ng sangkatauhan. Nilalang si Adan na perpekto, walang kapintasan, at pinaglaanang sagana ni Jehova. Higit sa lahat, ang tao ay nilalang “ayon sa larawan ng Diyos”. (Genesis 1:27) Kung gayon, taglay ni Adan ang mga katangian ng Diyos na buháy na tinukoy ng Bibliya bilang makatuwiran, nakahihigit sa karunungan, makapangyarihan-sa-lahat, at pag-ibig. Subalit sa kabila ng mga paglalaang ito, naiwala ni Adan ang kaisa-isa nitong mana noon: ang walang hanggang buhay sa paraisong tinatamasa. Naging kahulugan ng isang munting pasiya ang buong kinabukasan ng tao. Iyan mismo ang iniuulat sa atin ng ikatlong kabanata ng Genesis, at ang resulta nito’y isang hatol sa lahat na walang tao ang may kakayahang bumali, na ipinasulat ng Diyos sa Roma 5:12 upang bigyan tayo ng tiyak na kaalaman hinggil sa realidad ng buhay — kamatayan bilang kabayaran sa kasalanang naipasa sa lahat ng taong naging supling ni Adan. Kaya naman, lahat ay nakadarama ng hapdi ng pagdadalamhati at pangungulila hanggang sa kasalukuyan, at walang sinuman sa ngayon ang nakapagkubli sa paniningil ng kasalanan.
Ganito ang paglalarawan ng The American Journal of Psychiatry sa kamatayan: “Ang kamatayan ang pinakakitang-kitang permanente at matinding uri ng kawalan.” Oo, napakatindi nito! Nagdadalamhati tayo tuwing may pumapanaw na mahal natin sa buhay. Masakit pa ring isiping bahagi na ng buhay natin ang kamatayan, at lalong humahapdi ang ating puso habang nakikita natin ang isa sa mga naging kabahagi ng ating buhay na ngayon ay nakahimlay sa isang kahong dinisenyo para sa mga taong napagod na at tuluyang natulog sa piling ni kamatayan. Bakit? Dahil taglay natin ang pag-ibig na siyang sinasalamin ng Diyos. Tandaan nating nilikha tayo sa kaniyang larawan, kung kaya’t normal sa atin ang umibig, at ito ang isa sa ating kayarian. Ang pag-ibig ang nag-iisang bigkis natin upang magkaisa, at dahil din dito, nakadarama tayo ng kirot sa bawat pagkakataong masilayan nating naghihirap ang ating mga kaibigan at kapamilya. Bakit tayo nagdurusa? Talaga bang nakikita ni Jehova ang ating mga hinagpis? Kung totoong siya ay pag-ibig, gaya ng pagtukoy sa kaniya ng 1 Juan 4:8, bakit napakatagal na nating nakikita ang kasakiman at pagdurusa? Kailan tayo makakadama ng tunay na kaligayahan? Posible pa kayang maisauli ang walang hanggang buhay na naiwala ni Adan? Matatalakay natin ang mga ito sa maikling sulating ito, kaya’t ipagpatuloy mo lang ang iyong pagbabasa.
Isa sa mga pinakamabigat at pinakamapait na tanong sa kasaysayan ng tao ay ang “Bakit?” Kapag nakakaranas tayo ng kalungkutan, ito ay ating itinatanong. Kapag tayo ay nagdurusa, naaapi, o di kaya’y namatayan dulot ng mga di-inaasahang sakuna at digmaan, ito ang tanging tanong na mamumutawi sa ating mga bibig. Maging ang isang manunulat ng Bibliya na si Habakuk ay nagtanong: “O Jehova... bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan?” (Habakuk 1:2,3) Bakit tayo nagdurusa? Bakit kailangang mangyari ito? Walang pag-aalinlangang sumagot ang Bibliya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Oo, lahat ng kabagabagan, lahat ng hinaing, at lahat ng kirot ay dahil sa likong sistema, sa maling paniniwala, at huwad na mga turo na laganap sa sanlibutang ito. Dahil sa paglago ng katampalasanan, nagdurusa ang tao. Dahil sa pag-iral ng kasalukuyang sistema, hindi maitatangging nagdurusa ang tao. Nanatiling bulag ang hustisya, nakakiling ang pabor sa mga nakatataas sa lipunan, at nayuyurakan ang mga mahihina. Liko ang sistemang ito ng ating lipunan, kung kayat’ nanatili sa atin ang pagdurusa. Gayundin, sa mga huwad na turong lumaganap sa ngayon, unti-unting lumihis ang paniniwala ng tao, at ngayo’y nakakiling na sa maling mga ideya. Kapag nakakaranas ng hindi kaaya-aya, isinisisi na nila sa Diyos ang lahat, bagay na salungat sa itinuturo ng Santiago 1:13 at Job 34:10. Dahil dito, ayaw na nilang dinggin ang mga bagay na magdadala sana sa kanila ng kaaliwan, gaya ng pangako ng Diyos sa Jeremias 29:11 na isang magandang kinabukasan at pag-asa. Dahil sa maling paniniwala, naging bulag sila anupat’ hindi nila nakita ang kumakatok na kaaliwan at natatanging pag-asa.
Pero, “si Jehova ang pinakamakapangyarihang Diyos!,” marahil naiisip mo, “kaya niyang patigilin nalang ang kamatayan. Bakit pa natin kailangang danasin ang mga ito?” Hindi ka nagkamali, kaibigan! Lubhang makapangyarihan ang Diyos. Sa katunayan, “ang mga mata ni Jehova ay nagbabantay sa... masasama.” (Kawikaan 15:3) Makatitiyak kang lagi siyang tutulong sa iyo. At higit pa riyan, mahalaga ka sa Diyos bilang isang indibiduwal. (1 Pedro 5:7) Pero, kung talagang nagmamalasakit sa atin ang Diyos, bakit niya pinapahintulutan ang kasamaan sa loob ng napakahabang yugto? Dahil rin ito sa pag-ibig, pero isa lang ito sa napakaraming dahilan ng Diyos para tiisin ang nakikita niyang kasuklam-suklam. Ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling. (Hebreo 6:18) Ipinapangako niyang “sisirain niya ang mga gawa ng Diyablo” at papawiin ang lahat ng epekto ng pagdurusa ng tao sa pamamagitan ni Jesus. (1 Juan 3:8) Kung gayon, bakit napakatagal? Sa Awit 37:9 at 10, ang “masasama ay lilipulin.” Kung gayon, paano naman ang mga taong hindi man lang nakaalam kung ano ang mabuti o masama? Mahahatulan na lamang ba sila bilang masasama gayong hindi man lamang nila batid kung mabuti ba ang kanilang ginagawa o masama? Muli, sumasagot ang Bibliya. Ito ang ating mababasa sa 2 Pedro 3:9: “Matiisin siya sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” Maliwanag, pinahihintulutan ng Diyos na Jehova na maganap ang mga karimarimarim na mga bagay na ito upang bigyan ng pagkakataon ang lahat ng tao na magsisi, at malalaman lang nila kung ano ang tama at mali kung makikilala nila ng lubusan ang Isa na may karapatang magtakda ng pamantayan sa kung ano ang tama at mali. Kung gayon, tumpak ang nasusulat sa Juan 17:3 na ang tanging paraan sa ating kaligtasan ay ang makilala ang tanging tunay na Diyos at si Jesu-Kristo. Paano? Sapagkat, “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas. Pero paano sila tatawag sa kaniya kung hindi naman sila nananampalataya sa kaniya? Paano naman sila mananampalataya kung wala silang narinig tungkol sa kaniya? Paano naman nila iyon maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:13, 14) Oo, sa pamamagitan ng pagtawag sa Diyos na Jehova, magiging posible ang kaligtasan. Kaya naman, kaming mga Saksi ni Jehova ay puspusan sa pagtuturo, sa pangangaral ng tungkol sa kaniyang pangalan.
Pero posible pa kayang maibalik ang mga naiwala ni Adan? Marami ang walang pakialam sa magiging kinabukasan ng mga tao. Pero ang tiyak, si Jehova ay nagbigay ng mga pangako. Siya ay nagsabing “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Isa itong pangako na minimithi ng bawat isang namumuhay sa palahaw. Waring ito na ang lalagot sa tanikalang nagpapahirap sa sangkatauhan. Walang magkakasakit (Isaias 33:24), mamamatay (Isaias 25:8), o magugutom man lang (Awit 72:16). Dahil dito, magiging perpekto na ang ating buhay, isang bagay na ideyal at hanggang pangarap lang sa ngayon. Ang mga bulag, bingi, pilay, at pipi ay tatalon sa galak dahil ibibigay ang pinakamalaki nilang pangarap. (Isaias 35:5, 6) Ang mga taong minsan na ring nagdalamhati noon at tumila na sa pag-iyak sa paglipas ng panahon ay muling luluha, pero hindi sa muling pagkirot ng dibdib, kundi sa galak habang nakikita niyang tumatakbo ang isa na minsan na rin niyang tinangisan. (Juan 5:28, 29) Tunay ngang kapana-panabik ang mga tagpong iyon! Ilan lamang iyan sa napakaraming ulat na magsasabing maibabalik din ang naiwala ni Adan, gaya ng tinamasa rin nila noong panahong lalangin ang unang mag-asawa. Ngunit sino ang nagbukas ng daan upang muli nating tamasahin iyan? Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Si Jesus ang nagbukas ng pintuan, at siya mismo ang nagsilbing daan upang lubusan nating makamit ang inaasam na buhay magpakailanman. Pero paano? Sa pamamagitan ng pag-ibig. Ito ang mababasa natin sa Juan 3:16 tungkol dito: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Siya ay ibinayubay, siya ay naghirap, at siya ay ipinako sa pahirapang tulos upang ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Nagsilbi siyang isang haing pantubos sa ating kasalanan. Ang lahat ng mga pangako ng Diyos ay naging “oo” dahil sa kaniya. Dahil sa pag-ibig, tayo ay nabihisang muli at nabigyan ng pagkakataong mabuhay sa lupang inihanda para sa mga anak ng tao. Ang pag-ibig ay napakainam, napakasarap sa pakiramdam! Ang pag-ibig ang minsan ding lumikha sa atin, pero pag-ibig din ang sumira sa kinabukasang nasa atin. Gayunpaman, pag-ibig din ang magbabalik ng naiwalang buhay sa paraiso. Dahil sa pag-ibig, nilalang ng Diyos si Jesus, ang mga anghel, ang buong kalawakan, mga hayop, tao, at ang lahat ng nakikita natin sa paligid. Ang tao ay lubhang inibig ng Diyos dahil tayo’y binigyan rin niya ng kakayahang umibig. Gayunpaman, pag-ibig din ang sumira sa atin. Umibig din ang isang anghel, pero hindi sa pamamagitan ng dalisay na pag-ibig. Inibig niya ang katanyagan at ang kaniyang mga adhika, at dahil doon ay nakalikha siya ng pagbabago sa takbo ng mundo, at gumawa ng salitang “kasalanan” sa ating diksyunaryo. Nilinlang niya sina Adan at Eva para sumunod din sa kanya sa pagtamo ng higit kaysa sa kanilang tinatamasa, kung kaya’t ginawa niya ang kaniyang sarili bilang Satanas. Dahil din sa pag-ibig ay sumuway si Eva. Inibig niya ang “kalayaan” na inakala niyang magbibigay sa kanila ng ligaya: ang kalayaang pamahalaan nila ang kanilang sarili na walang magdidikta kung ano ang tama at mali para sa kanila. Gayundin, inibig niya ang prutas, isang katakam-takam, kung kayat’ nagawa niya ang pinakamatindi niyang kasalanan. (Genesis 3:6) Dahil din sa pag-ibig naiwala ni Adan ang pangakong mabuhay magpakailanman. Inibig niya nang higit ang kaniyang asawa kaysa sa utos ng kanilang maylikha. Dahil sa kanilang pag-ibig at pagkaakit sa kanilang pagnanasa (Santiago 1:14, 15), sila ay nagkasala, at kamatayan ang bunga nito, na hanggang ngayon ay pinagdurusahan ng tao. Nagtagal din ang pagdurusa ng tao dahil sa pag-ibig. Inibig ni Jehova nang lubos ang mga tao, at gusto niyang sumapit ang lahat sa tumpak na kaalaman, dahil ang kaalaman tungkol sa kaniya at kay Kristo ay nangangahulugang buhay na walang hanggan, at ito ang magbabalik sa naiwala ni Adan. (Juan 17:3) Pero ang dalisay na pag-ibig ng Diyos ay nakahihigit sa anupamang pag-ibig, lubhang dakila anupat’ nagawa nitong higitan ang alinmang pag-ibig. Nisan 14 ng taong 33 C.E. nang may magbubo ng dugo alang-alang sa atin. Perpektong buhay ang naiwala, kaya’t perpektong buhay din ang magbabalik. Lubhang napakamahal ang singil ng kasalanan at kamatayan, at walang sinuman ang makakapagbayad ng sarili niyang kasalanan. Dahil dito, pumasok na naman ang pag-ibig. “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Si Jesus mismo ay bumaba alang-alang sa atin, upang iligtas tayo sa paniningil ng kasalanan, at upang buhay na walang hanggan ang ating matamasa sa paraiso magpakailanman! Si Jesus ay naging kaibigan natin, nagsakripisyo ng sariling buhay alang-alang sa atin upang tayo’y matubos sa kasalanan. (Juan 15:13) Naiwala man ang buhay ayon sa orihinal na pangako ng Diyos, muling pinagdugtong ni Jesus ang tipan sa pagitan ng tao at Diyos sa pamamagitan ng pagsasakripisyo niya ng sarili niyang mga laman para hindi na muling bumalik ang tao sa alabok na kaniyang pinagmulan, at itinigis niya kaniyang dugo upang dalisayin tayo mula sa karumihang dulot ng kasalanan. Ipinamalas ng Diyos na Jehova at ni Jesus ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig, higit na nakatataas at makapangyarihan kaysa sa anupamang umiiral na pag-ibig ng sangkatauhan! Tuwing ika-14 ng Nisan sa bawat taon, ang lahat ng kongregasyong Kristiyano ay nagtitipon upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus at upang patuloy na maihayag ang kaniyang kamatayan hanggang sa kaniyang pagdating. (1 Corinto 11:23-26) Sa taóng ito, muling titipunin ang mga lingkod ng Diyos na buháy upang muling alalahanin ang kamatayan ni Kristo sa paglubog ng araw sa ika-7 ng Abril (ang petsa ng Nisan 14 sa kalendaryo ng mga sinaunang Judio). Malugod naming binubuksan ang pintuan ng bawat bulwagan ng dalisay na pagsamba, na ngayon ay idadaos sa sarili nating tahanan at bibigkisin naman tayo ng online na pagtitipon sa pamamagitan ng zoom app upang ang lahat ng tao mula sa iba’t ibang bansa, lahi, wika, at pagkakakilanlan ay makapagsama-sama para sa napakahalagang kaganapang ito ng kasaysayan: ang muling damhin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig kailanman!
Memorial of Christ’s Greatest Sacrifice
04/07/2020 TUE 05:30 AM
Alexander Locquiao Nartates