Dalawang Pag-ibig ang Bumago sa Kasaysayan!
Iniutos ni Jehova sa unang mag-asawa: “Huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Sa tagpong ito na aking binanggit ay ang pinakaunang utos sa kasaysayan ng tao. Ang pagsuway dito, kung gayon, ay ang pinakaunang anyo ng pag-aklas sa Isa na may karapatang mamahala. Maliwanag sa mga binigkas ni Jehova kung ano ang magiging resulta ng hindi pagsunod sa kauna-unahang utos na ito. Pero ang unang mag-asawa ay nabulag ng sariling pagnanasa, “pumitas ng bunga, at kinain iyon.” (Genesis 3:6) Ito ang pasimula ng napakahabang palahaw na naulinigan ng sangkatauhan. Simula pa nang tayo ay ipaglihi at isilang, ang tao ay naging makasalanan, nakakagawa ng mga kamalian at nagkukulang, at tayo ay sinisingil sa kasalanang hindi natin ginusto. (Awit 51:5; Roma 6:23) Tayo ay naipagbili bilang mga alipin ng kasalanan kapalit ang inaakalang “kalayaan” ng ating unang mga magulang. Walang sinumang tao ang nakapagtangkang tumakas sa hagupit ng kasalanan, at wala ding sinuman ang makatutubos sa kaniyang sarili, dahil ang kabayaran lang ng kasalanan noon ay ang tinutukoy ng Roma 6:23 na kamatayan. “Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Dahil sa kasalanan ni Adan, “ang kamatayan ay namahala bilang hari” at umalipin sa mga tao, “kahit sa mga hindi nakagawa ng pagkakasalang gaya ng kay Adan”. (Roma 5:14) Kung gayon, kahit musmos, walang kamuwang-muwang, o kahit anong uri ng tao, gaano man ito kabait o kalala, lahat ay may pagkakasala, tuwiran man o hindi. Sa kabila ng mga paglalaan ni Jehova, ipinagpalit ni Adan ang tinatamasa niyang ginhawa at kalayaan sa paraiso para sa inaakalang “tunay na buhay”. Nagpasiya siya para sa sarili, at dahil sa kapasiyahan niyang iyon, ang buhay ng mga tao ay tuluyang naipagbili sa ilalim ng kasalanan, kung kaya’t lahat ay nasa ilalim ngayon ng pamamahala ng kasalanan at tanging kamatayan lang ang mag-aahon sa atin mula sa kasalanan. (Roma 7:14) Nahatulan ang sangkatauhan sa kasalanang iisa ang gumawa, at walang sinuman ang may kakayahang bumali sa hatol na binitawan libu-libong taon na ang nakakaraan. Ang kasalanang nagawa ng unang mag-asawa ay nanatili sa atin, na waring naging yupi sa hulmahang humuhubog sa tao. Magpahanggang ngayon, marami pa rin ang alipin ng kasalanan, at tanging kamatayan ang nag-aalis sa mga tao mula sa hagupit ng kalagayang iniwan ni Adan.
Sa ngayon, kitang-kita na ang epekto ng kasalanan. Sa bawat pagtakbo ng panahon, maraming buhay ang nalalagas. Sa katunayan, sa loob lang ng tatlong dekada (1913 — 1943), halos isang populasiyon na ng isang bansa sa kasalukuyan ang nabura. Dahil sa pagsuway ng unang mag-asawa, namulat sa atin kung ano ang tama at mali. Noong una, hindi pa alam ng tao ang mali, kaya’t hindi rin nila alam kung paano iyon gawin. Ngayon, dilat na ang ating mga mata, pero nakakalungkot, nagkaroon ng masamang intensiyon ang tao, naging likas sa atin ang paggawa ng mali, at “ang laman ng isip at puso ng tao ay lagi na lang masama.” (Genesis 6:5) Dahil din dito, nagkaroon ng tunggalian ng dalawang magkaibang pananaw, nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi, na nang kalauna’y nagdulot ng napakalaking pinsala sa sanlibutan, lubhang napakatindi anupa’t nag-iwan ito ng bakas na hanggang ngayon ay napapanatili pa ring sariwa sa isip at puso ng mga sumaksi at nakaranas sa napakatinding pinsalang dulot ng ating kalabisan. Naganap ang pinakamadugong yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan noong naganap ang una at ikalawang digmaang pandaigdig, na dinagdagan pa ng pagkalat ng isang epidemya na kumitil ng higit pa kaysa sa mga napatay ng mga nagdidigmaang panig. Lahat ng ito ay mga resulta lamang ng pagkukulang ng tao, na ang totoo’y bahagi lang ng paniningil ng kasalanan.
Ang mga nabanggit ay pawang mga bangungot ng isang taong gising. Walang ibang hangad ang kasalanan kundi ang ating buhay, kung kaya’t ang sinumang magnanais na dayain ang realidad ng buhay, mas pinaagang kamatayan ang kahahantungan. Ang tanging kabayaran lang ng kasalanan ay kamatayan: kamatayan ng sariling buhay para sa sariling kasalanan, o kamatayan ng isang perpektong tao para sa kasalanan ng lahat, dahil perpektong tao noon ang gumawa ng kasalanan, kaya’t perpektong buhay din ang magbabayad para maisauli ang orihinal na layunin ng buhay. (Roma 6:23; 1 Corinto 15:21) Pero sa kasaysayan ng tao, walang sinuman ang may kakayahang magbayad para sa kasalanan ng iba. (Awit 49:7, 8) Wala ding isa man sa atin ang nakaligtas mula sa kasalanan. Pero, saan kaya natin mahahanap ang ating kaaliwan? Sa panahon ng sinaunang mga Israelita, walang kasagutan sa tanong na iyan. Pero unti-unti nang nabibigyan ng kalinawan ang naging isyu, at nabigyan tayo ng isang kasagutang puputol sa napakahabang misteryo ng realidad. Ang lahat ng mga nangyari noong pasimula hanggang sa mangyayari sa nalalapit na hinaharap ay kapwa bunga ng pag-ibig; pag-ibig sa magkaibang pananaw, antas, at apeto; pag-ibig sa magkasalungat na ideya; ang pag-ibig ang nag-iisang bumago sa kasaysayan! Pero upang bigyang-kalinawan ang isyung ibinangon, alamin muna natin ang naging resulta ng kasalanan ni Adan, at kung tayo makakalaya sa tanikalang nagsadlak sa atin sa kahiya-hiyang kalagayan.
Nang lalangin sina Adan at Eva, perpekto ang kanilang naging buhay, walang kapintasan, at nakikita ang kasaganaan. Pero nang pinili nilang sumuway, naranasan ng tao ang pinakamasalimuot na resulta, gaya ng iuulat sa atin ng kabuoang kabanata ng Job 14. Dito iikot ang tunay na kasaysayan ng tao. “Ang buhay ng tao na ipinanganak ng babae ay maikli at punô ng problema. Sumisibol siyang gaya ng bulaklak at pagkatapos ay nalalanta; gaya siya ng aninong mabilis na nawawala. Oo, itinuon mo ang iyong mata sa kaniya, at isinama mo siya para mahatulan.” Naging bahagi na ng buhay ng tao ang problema. Inihalintulad ng Bibliya ang buhay bilang isang singaw, na sa panandaliang panahon, ito ay maglalaho. Lahat ng mga gawa ng kamay ng tao ay nawawalan ng saysay, lalo’t sa mga panahong iyon, iba ang makikinabang sa kanilang pagpapagal. “Sinong marumi ang makapagsisilang ng malinis? Wala! Kung napagpasiyahan na ang mga araw niya, nasa kamay mo ang bilang ng mga buwan niya; Nagtakda ka ng limitasyon para hindi siya lumampas dito. Alisin mo ang tingin mo sa kaniya para makapagpahinga siya, hanggang sa matapos niya ang araw niya, gaya ng upahang trabahador.” Sa mga katagang ito, walang pinili ang kasalanan. Marumi ang ating magulang, at dahil din doon, tayo ay ibinilang na marumi. Totoo, nasa sangkatauhan ang karumihan na minsan ding nagparumi sa ating dalisay na ugnayan sa Diyos, at ang karumihang iyan ay sumaatin. Dahil sa karumihan na ipinamana sa atin ng ating pinakaunang magulang, ang ating mga araw ay binilang. Hindi itinakda ng Diyos na Jehova kung gaano dapat kahaba ang ating buhay. Bagkus, kaniya itong isiniwalat sa atin na dahil sa karumihang taglay, imposible sa atin ang mabuhay magpakailanman. Pero pansinin sa pagkakagamit ng mga sumusunod na talata kung paano inihalintulad ang buhay. “Dahil may pag-asa kahit ang isang puno. Kung putulin ito, tutubo itong muli at sisibol ang mga sanga nito. Kung ang ugat nito ay tumanda na sa lupa at matuyo ang tuod nito, tutubo ito kapag nakaamoy ng tubig; at sisibol ang mga sanga nito, gaya sa batang halaman. Pero ang tao ay namamatay at nawawalan na ng lakas; kapag namatay ang tao, nasaan na siya?” Kapansin-pansing minasdan ng taong ito ang paligid. Kahit sa mga maliliit na puno ay may pag-asa. Yamang ito ay pinagkaitan ng sapat na kalayaan, mayroong pa ring pag-asang inilaan. At kapag ang puno man ay namatay, may paraan para muli itong mabuhay. Sa aba ng mga tao! Kaawa-awang lubos dahil ipinagkait ang pag-asa! Malakas ka man ngayon, bukas ikaw ay manghihina. Dalubhasa ka man ngayon, bukas ang utak mo’y mabubulok. Mayaman ka man ngayon, bukas ang salapi mo ang bibili ng sarili mong hantungan. Nasaan ang tunay na halaga ng ating ipinagyayabang? Wala ring saysay ang ating pagpapagal kung wala ang pag-asa. “Naglalaho ang tubig sa dagat, At nauubos ang tubig sa ilog at natutuyo. Ganiyan din ang tao; humihiga siya at hindi na bumabangon. Hangga’t may langit, hindi siya gigising, at walang makagigising sa kaniya mula sa pagkatulog. O itago mo nawa ako sa Libingan; itago mo ako hanggang sa mawala ang galit mo; magtakda ka nawa ng panahon at alalahanin mo ako!” Hindi tayo inihalintulad sa isang punong pag-asa, kundi sa ilog na walang buhay, ni dumadaloy man na tubig! Iyan ang masaklap na katotohanan noong wala pa ang isang taong tutubos sa atin. Nasa atin parin ang galit ng Diyos na bunga ng pagsuway ni Adan. Pero ang tanong: may pag-asa kaya tayo? Sasagot ang sumunod na talata: “Kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa ba siyang muli? Sa lahat ng araw ng aking sapilitang pagtatrabaho, maghihintay ako hanggang sa dumating ang kaginhawahan ko.” Sa mga talatang ito, waring nagpapahiwatig siya na may mahihintay siyang ginhawa. Pero ano iyon? Ipagpatuloy natin. “Tatawag ka, at sasagot ako. Mananabik ka sa gawa ng iyong mga kamay.” O kaygandang pagtitiyak ng Bibliya! Matatag ang kombiksiyon ni Job na ibibigay ang kaniyang hinihingi, na kahit siya’y matulog sa hukay, siya ay ibabangong muli. Mananabik ang Diyos na makita kang muli! “Pero sa ngayon, lagi mong binibilang ang mga hakbang ko; kasalanan ko lang ang binabantayan mo. Ang pagsuway ko ay nakalagay sa isang selyadong sisidlan, at nilalagyan mo ng pandikit ang sisidlan ng pagkakamali ko.” Kung may pag-asa, bakit pa kailangang bantayan ng Diyos ang ating pagkakamali? Tunghayan ang kasagutan habang ipinagpapatuloy mo ang pagbabasa sa buong sulating ito. Pero ito ang pagpapatuloy ng kabanata: “Kung paanong gumuguho ang bundok at naaalis ang malaking bato sa kinalalagyan nito, kung paanong nasisira ng tubig ang mga bato, at ang lupa ay natatangay ng agos nito, gayon mo inaalis ang pag-asa ng taong mortal.” Ang tagpong ito ay yaong nakikita natin. Nawawalan na ang tao ng pag-asa dahil patuloy pa rin nilang nakikita kung paano unti-unting namamatay ang lahat ng mga nasa paligid nila. “Dinaraig mo siya hanggang sa pumanaw siya; binabago mo ang hitsura niya at pinaaalis siya. Pinararangalan ang mga anak niya, pero hindi niya iyon nakikita; binabale-wala sila, pero hindi niya iyon nalalaman. Nakadarama lang siya ng kirot at nagdadalamhati habang buháy pa siya.” Ang pinakadulong bahaging ito ng kabanata ay patunay na may hangganan ang bawat hininga. At sa kanilang pagpanaw, ang lahat ng ala-ala ay mawawala. Ang pag-asa rin ay naglalaho kasabay ng pagguho ng kanilang mundo. Ang katotohanan ay naikubli sa buong kabanatang ito: ang tao ay binigyan ng pag-asang mapalaya sila sa bangungot na ito, pero hindi ito nakita ng karamihan. Nanatili silang bulag dahil sa mga kaganapan sa kasalukuyan. Nangangako ang Bibliya ng tunay na kaaliwan, basta’t patuloy nating panghawakan ang pag-asa. Anong pag-asa? Ang maibalik ang naiwala. Paano maibabalik? Sa pamamagitan ng pag-ibig.
Sa buong mundo, ang rason ng lahat ng bagay ay may kaugnayan sa pag-ibig. Pag-ibig ang laging nasasangkot, suliranin man iyan, kaginhawaan, o kahit anupaman. Ang gumawa rin ng kasaysayan ay pag-ibig. Ito pa nga ang bumago sa ating kasaysayan! Nang lalangin si Adan, taglay nila ang kakayahang umibig. Inibig ni Eva ang sarili niyang kaluguran, at ang buhay na inaalok sa kaniya ni Satanas. Inibig naman ni Adan nang higit si Eva, anupa’t sumunod siya rito. Dahil sa kanilang pag-ibig, nalikha ang kasaysayan. Magpahanggang ngayon, patuloy pa rin ang kasaysayan ng tao: ang ipanganak, lumaki, manganak ng bagong henerasiyong magpapatuloy ng lahi ng tao, tumanda, at mamatay, at ang bagong henerasiyon ang magpapatuloy ng kasaysayan, at gagawa ng sarili nilang mga pangalan. Iyan na lang ang naging siklo ng buhay, at wala sa atin ang makapaglilihis nito mula sa dapat nitong takbo. Wala tayong kakayahang baguhin ang kasaysayan! Pero, higit dalawang libong taon na ang nakararaan, isinilang ang isang pag-asa: ang sinasalamin ng dalawang katangi-tanging pag-ibig na nakahihigit kaysa sa karaniwan. Ito ang dalawang pag-ibig na ipinangako noon sa mga sinaunang tao na babago sa ating kinasasadlakan, at maglilihis ng kasaysayan mula sa pagkasirang dapat nitong kahantungan.
Ang pag-asang nabanggit ay ang pasimula ng lahat ng pag-asa. Ito ang panahon kung kailan ginanap na ng dalawang pinakadakilang pag-ibig ang kanilang tungkulin para isalba ang nalulunod na tao. Dahil sa napakadakilang pag-ibig ng Diyos na Jehova, tiniis niya ang lahat: isinugo niya ang kaniyanag anak dito sa lupa kahit pa nangangahulugan itong mawawalay si Kristo sa kaniya sa loob ng higit sa tatlumpung taon, tiniis niyang makita ang anak na nahihirapan sa pagganap ng kaniyang tungkulin, at higit sa lahat, ang makita ang anak na naging tudlaan ng pagkapoot at pagpapahirap anupa’t ito ang pumutol sa hininga ng Kristo. Ito ang una at pasimula ng dalawang pag-ibig na bumago sa kasaysayan. Ang huling pag-ibig naman na magtatakda ng kawakasan ng lahat ng paghihirap ng tao ay ipinagkaloob mismo ni Jesus. Kahit alam niyang siya ay papatayin sa isang pahirapang tulos, hindi siya nag-atubiling bumaba sa ngalan ng tao at sa kaligtasan ng sangkatauhan. Tiniis niya ang lahat ng pahirap upang baguhin ang kasaysayan at matuldukan ang lahat ng paghihirap ng tao sa kaniyang pagdating. Dahil sa dalawang pag-ibig na ito, naging posible ang pagbabalik ng mga naiwala ni Adan. Dahil sa pag-ibig,tiniyak ni Jehova ang katuparan ng mga pangako. Siya ay nagsabing “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Isa itong pangako na minimithi ng bawat isang namumuhay sa palahaw. Waring ito na ang lalagot sa tanikalang nagpapahirap sa sangkatauhan. Walang magkakasakit (Isaias 33:24), mamamatay (Isaias 25:8), o magugutom man lang (Awit 72:16). Dahil dito, magiging perpekto na ang ating buhay, isang bagay na ideyal at hanggang pangarap lang sa ngayon. Ang mga bulag, bingi, pilay, at pipi ay tatalon sa galak dahil bibigay ang pinakamalaki nilang pangarap. (Isaias 35:5, 6) Ang mga taong nagdalamhati noon na tumila na sa pag-iyak ay muling luluha sa galak habang nakikita niyang tumatakbo ang isa na minsan na rin niyang tinangisan. (Juan 5:28, 29) Tunay ngang kapana-panabik ang mga tagpong iyon! Ilan lamang iyan sa napakadaming ulat na magsasabing maibabalik din ang naiwala ni Adan, gaya ng tinamasa rin nila sa panahong lalangin ang unang mag-asawa. Salamat kay Jesus dahil sa bawat hibla ng kaniyang pagkatao, tayo pa rin ang kaniyang inisip. Si Jehova ang gumawa ng daan upang maibalik muli ang ating kasakdalan at si Jesus ang kinasangkapan na siyang magbubukas ng pintuan upang lubusan nating makamit ang inaasam na buhay magpakailanman. Pero paano? Sa pamamagitan ng pag-ibig. Ito ang mababasa natin sa Juan 3:16 tungkol sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Si Jesus ay ibinayubay, siya ay naghirap, at siya ay ipinako sa pahirapang tulos upang ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Nagsilbi siyang isang haing pantubos sa ating kasalanan. Ang lahat ng mga pangako ng Diyos ay naging “oo” dahil sa kaniya. Dahil sa pag-ibig, tayo ay nabihisang muli at nabigyan ng pagkakataong mabuhay sa lupang inihanda para sa mga anak ng tao. Ang pag-ibig ay napakainam, napakasarap sa pakiramdam! Ang dalisay na pag-ibig ng Diyos ay nakahihigit sa anupamang pag-ibig. Nisan 14 ng taong 33 C.E. nang may magbubo ng dugo alang-alang sa atin. Perpektong buhay ang naiwala, kaya’t perpektong buhay din ang magbabalik. Lubhang napakamahal ang singil ng kasalanan, at walang sinuman ang makakapagbayad ng sarili niyang kasalanan. Dahil dito, pumasok ang pag-ibig. “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Si Jesus mismo ay bumaba alang-alang sa atin, upang iligtas tayo sa paniningil ng kasalanan, at upang buhay na walang hanggan ang ating tatamasahin magpakailanman! Si Jesus ay naging kaibigan natin, nagsakripisyo ng sariling buhay alang-alang sa atin upang tayo’y matubos sa kasalanan. (Juan 15:13) Naiwala man ang buhay ayon sa orihinal na pangako ng Diyos, muling pinagdugtong ni Jesus ang tipan sa pagitan ng tao at Diyos sa pamamagitan ng pagsasakripisyo niya ng sarili niyang mga laman para hindi na muling babalik ang tao sa alabok na kaniyang pinagmulan at ang kaniyang dugo na siyang dadalisay sa atin mula sa karumihang dulot ng kasalanan. Ipinamalas ng Diyos na Jehova at ni Jesus ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig, higit na nakahihigit sa anupamang umiiral na pag-ibig ng sangkatauhan! Tuwing ika-14 ng Nisan sa bawat taon, ang lahat ng kongregasyong Kristiyano ay nagtitipon upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus at upang patuloy na maihayag ang kaniyang kamatayan hanggang sa kaniyang pagdating. (1 Corinto 11:23-26) Sa taóng ito, muling titipunin ang mga lingkod ng Diyos na buháy upang muling alalahanin ang kamatayan ni Kristo sa paglubog ng araw sa ika-19 ng Abril (ang petsa ng Nisan 14 sa kalendaryo ng mga sinaunang Judio). Malugod naming binubuksan ang pintuan ng bawat bulwagan ng dalisay na pagsamba upang ang lahat ng tao mula sa iba’t ibang bansa, lahi, wika, at pagkakakilanlan ay magtitipon-tipon para sa napakahalagang kaganapang ito: ang kilalanin ang dalawang pag-ibig na bumago sa kasaysayan!
04/19/2019 FRI 05:30 AM
Alexander Locquiao Nartates